Hinaing ng Inaping Matsing

Napakasikat ng kuwentong Pagong at Matsing at malamang paulit-ulit na ninyo itong naririnig. Siguradong ako ang lumalabas na masama. Lagi naman, e. Lagi na lamang ako ang mandaraya, mapang-api at makasarili. Madalas pa’y mahina ang isip. Masama talaga ang loob ko dahil hindi naman talaga ako ganoon.

Nakikiusap po ako sa inyong lahat na huwag agad akong husgahan. May nawawala at naidadagdag sa mga naipapasang kuwento. Hindi nagtatapos ang kuwentong iyon sa pag-aaway namin ni Pagong. Nagkaayos din kami. Sa katunayan nga, nanatili pa rin kaming magkaibigan – hanggang ngayon. Sana’y pakinggan ninyo itong ikukuwento ko:

Sa kalagitnaan ng kagubatan kami nagkita ni Pagong. (Kung paano siya napunta roon ay hindi ko na itinanong.) Naghahanap siya ng mapagpapahingahan at ganoon din ako. Hindi maipaliwanag ngunit sa unang pagkikita pa lamang, magaan na ang loob namin sa isa’t isa. “Ako si Antonio,” pakilala ko. “Tonio na lang ang itawag mo sa akin. Ikinagagalak kitang makilala.”

“Ako rin,” tugon ni Pagong. “Ako si Rashida. Tawagin mo na lamang akong Rashi.” Simula

noon

, magkasama kaming naghahanap ng makakain, maiinom at mapagpapahingahan. Kung minsan bumabagal ang paglakad ni Rashi dahil sa tindi ng gutom. Tuwing nangyayari iyon, ipinapatong ko siya sa aking palad upang makapagpahinga siya.

Kung saan-saan kami nakarating ni Rashi. Dumaan kami sa madamong lugar kung saan hindi ko siya halos makita. Pinilit kong hawiin ang mga damo upang hindi maligaw si Rashi. Napunta rin kami sa lugar na may malalaking bato at wala gaanong halaman. Wala ring gaanong magawa roon. Naranasan din naming dumaan sa mga palayan kung saan nadulas ako’t nahulog sa putikan. Itinuro sa akin ni Rashi ang dahan-dahang paglakad at kung saan dapat aapak.

Sa paglalakbay namin, nakarating kami sa tabi ng isang ilog. Patag ang lupa, hindi mabato, hindi maputik at hindi madamo. “Dito na lang kaya tayo, Rashi,” sabi ko.

Ngunit gusto niyang tumawid kami sa kabila. “Parang mas maganda sa kabila dahil mas maraming puno,” tugon niya. “Mas malilim. At parang may natatanaw akong punong saging doon.”

“Huwag na tayong tumawid,” ipinagtapat kong hindi ako marunong lumangoy. “Baka malunod ako, Rashi,” nanginginig na ang aking mga tuhod habang kumakabog ang aking dibdib.

“Hindi,” tugon ni Rashi. “Magtiwala ka sa akin, Tonio. Kumapit ka lang sa likuran ko at dahan-dahan mong igalaw ang iyong mga paa habang nasa ilog tayo.” Sumunod ako kay Rashi. Alam kong kabisado niya ang tubig. Alam ko ring hindi niya ako pababayaan.

Pagdating namin sa kabila, agad naming pinuntahan ang nakahandusay na punong saging. Mayroon pala itong bunga. Sumiksik sa mga ugat si Rashi at sinabing paghatian namin ang puno. Napuna kong parang gusto niya ang gawing ibaba ng puno dahil nakasiksik na siya roon. Kaya kahit gusto ko rin ang bahaging iyon, hinayaan ko na lamang mapunta sa kanya ito. “Sa iyo na lamang ang gawing ibaba at akin ang gawing itaas ng puno,” sabi ko. Hindi ko pinili ang bahaging itaas dahil lamang sa bunga.

Gustong itanim ni Rashi ang dalawang bahagi ng puno. Alam ko namang hindi mabubuhay ang gawing itaas ng puno dahil wala itong ugat. Itinanim ko na lamang iyon upang mayroon akong masasandalan at mapagsisilungan.

Pinaghatian naming dalawa ang kumpol ng saging. Mas tumibay ang aming pagkakaibigan.

Isang gabi, nagising kami sa di-karaniwang lagaslas ng mga dahon sa paligid at yabag ng paa. Naaninag naming may kumukuha ng saging.

“Magnanakaw!” sigaw namin.

Dali-daling tumakas ang magnanakaw. Sinipa pa si Rashi na gumulong hanggang ilog. Kinuha ko ang sumpit at tinira ang magnanakaw. Siguradong natamaan ko siya subalit matulin siyang nakatakas dala ang ilang pirasong saging. Pinagmasdan ko’t tinandaan ang mga bakas ng paa. Simula

noon

, gumawa kami ng ilang patibong sa paligid namin para doon sa nagtangkang magnakaw at manakit sa amin ni Rashi.

Lumipas ang ilang buwan at tuluyang nalanta ang itinanim kong bahagi ng punong saging. Samantalang yumabong naman ang kay Rashi at nagbunga pa ito. “Hindi bale, Tonio, paghahatian pa rin natin ang pagmamay-ari ng punong ito,” sabi niya.

Isang araw, kumalam at sumakit nang matindi ang tiyan ko kasabay ng madalas na pagdumi ng tubig. Naalala kong nakakatulong ang saging sa ganitong pakiramdam. “Kumain tayo ng saging, Rashi,” anyaya ko. Nahiya akong ipagtapat kay Rashi ang nangyayari sa akin.

“O, sige,” sang-ayon niya. “Ngunit ikaw na lang ang umakyat dahil hindi ko kaya. Maliligo lang ako sa ilog sandali. Tirhan mo ako, ha?”

Napasarap ang kain ko sa tuktok ng punong saging. Hindi ko namalayang tinatawag na pala ako ni Rashi. “Hoy, Tonio, tirhan mo naman ako. Huwag mong ubusin ang saging.”

“Oo nga pala! Naku, pasensiya na Rashi,” sigaw ko habang ngumunguya. “Kaunti na lang ang natira. Sandali lamang at bababa na ako. Ayusin ko lamang ang mga kalat ng balat dito. Huwag kang mag-alala, bibigyan kita.”

“Anong sabi mo? Hindi kita masyadong marinig,” hiyaw ni Rashi habang inaalog ang kanyang ulo upang maalis ang nakapasok na tubig sa tainga niya. “Pasensiya na lang ako? Balat na lang ang ibibigay mo sa akin? Iyan ba ang sinabi mo? Humanda ka, Antonio!”

Pagkatapos kong iligpit ang mga kalat ng balat ng saging, bumaba na ako bitbit ang ilang saging para kay Rashi. At sa pag-apak ko sa lupa –

“Araaaaaaaaaay!” Nabitiwan ko ang mga bitbit kong saging. “Rashida, ikaw ba ang naglagay ng mga tinik sa paanan ng puno?” Hindi ko makita si Rashi ngunit sa loob ng bao sa may paanan ng puno may narinig akong humahagikhik. Sa unang pagkakataon, nagalit ako sa kaibigan ko. Dinampot ko siya, inalog-alog at nagbitiw ng hindi magagandang salita.

“Walang hiya ka! Susunugin kita!”

“Sige ka, kapag ginawa mo iyon, mas lalo akong gaganda,” nanginig siya.

“Akala ko pa man din kaibigan kita. Dudurugin kita!”

“Sige ka, kapag ginawa mo iyon, dadami ako,” namutla siya.

“E di lulunurin na lang kita!”

“Naku, huwag Tonio,” nagmakaawa siya’t may luha pang pumatak. “Huwag mo akong itatapon sa ilog!” At bago pa man siya makapagsalita, naitapon ko na siya. Huli na nang naisip kong magaling palang lumangoy si Rashi. Galit na galit ako habang kumakaway si Rashi sa ilog at pinagtatawanan ako.

Sa puntong ito, ako ang lumalabas na masama, mapang-api, mandaraya, makasarili at mahina ang isip. Nakakalungkot dahil hanggang dito lamang ang naikuwento tungkol sa amin. Karamihan pa sa mga pinagkukuwentuhan ay mga bata. Pawang negatibo tuloy ang tingin nila sa akin. Kawawa naman ako. Hindi naman talaga ako masama.

Hindi ninyo alam na pagkatapos ng isang araw, nagkabati rin kami ni Rashi. Hindi namin nakayanan ang mag-isa lalo pa’t may dala-dalang galit sa puso. Nag-usap kami at nilinaw ang pangyayari. Humingi siya ng tawad sa ginawa niyang paglagay ng mga tinik dahil lamang hindi niya narinig nang mabuti ang sinabi ko. Ako naman ay humingi ng paumanhin sa hindi pag-amin na masama ang pakiramdam ng tiyan ko. Lalong napagtibay ang pagkakaibigan namin.

Sana

man lang naikuwento ang bahaging ito. Hindi lamang iyong pag-aaway namin at mas lalong iyong ako ang lumalabas na masama. Dahil hindi naman talaga ako masama. Iyan ang totoong kuwentong Tonio at Rashi, ang pagkakaibigan ng Matsing at Pagong.

“O, Tonio, ano ba naman iyan?  Nagdadrama ka na naman. Halika na’t tuturuan pa kitang lumangoy nang patihaya, di ba?”

                            

Ano Na'ng Mangyayari Bukas

Taon ang binilang para sa gabing

maisayaw ka sa saliw ng musika

sa bulwagan ng katapatan.

Ngunit akong romantikong nangarap mahagkan ka,

nag-alangan sa bulung-bulungang ika’y lilisan.

Di naman tayo naging malapit dati.

Mga di kumukumpas na nakaw na sulyap,

nangungusap na titig

at makahulugang ngiti lamang

ang nagdurugtong sa atin

dahil baka mapansin ng naka-akbay sa iyo

o ng nakayakap sa akin.

Subalit sa gabing ito,

sabay nating idinuyan ang isa’t isa

sa awiting dapat nating isinayaw noon pa.

Nang tingnan mo ako at ipinagtapat ang pag-alis bukas,

isang luha ang dumaloy mula sa iyong mata,

dahan-dahang bumaba at gumilid sa pisngi.

At sa tamang oras ng pagtigil sa labi mo,

agad kong isinalo ang patak ng luha

at nilasap natin ang tamis at pait na matagal nang ikinubli.

Iyon ang hudyat na tayo’y magpadala

sa musika ng pananabik

at hanapin ang ating mga sarili.

Saksi ang buwan na kanina pang sumisilip sa bintana.

Ang buwan sa gitna ng katahimikan na kailanma’y

di maghahayag tungkol sa mga katawang nakalapat sa isa’t isa,

di magsasalita tungkol sa pawis na nagpadulas sa

                                                                        batok at dibdib,

                                                                        bisig at binti,

                                                                        singit at puwit,

di magsusumbong tungkol sa mga halinghing, bulong at ungol

na nagpabilis sa kundiman ng gabi.

Ngayon, habang ika’y nahihimbing

mula sa pag-indak sa himig ng damdamin,

nakatanaw lamang ako sa kalawakan.

Tahimik na at wala nang tinig na naririnig.

Hinihintay kong punitin ng sinag ang itim na kumot na nakabalot sa kalangitan –

ang sinag na titimo sa kailaliman ng aking dibdib,

aking pagkatao, aking uniberso.

At mararamdaman ang hapdi ng liwanag

na sinhapdi ng kasagutan ng katanungan natin sa gabing ito –

Ano na’ng mangyayari bukas?

Sa Loob ng Kawayan (Ang Hindi Naikuwento Tungkol Kina Malakas at Maganda)

MGA PANGUNAHING TAUHAN:

            Malakas

            Maganda

IBA PANG TAUHAN:

            Malaking ibon

TAGPUAN:

            Sa loob ng malaking kawayan noong bago pa nagkaroon ng tao sa mundo


Magsisimula ang dula habang madilim pa sa entablado.

Papalit-palit na paglakas at paghina ng ihip ng hangin.

Lagaslas ng mga dahon.

Huni ng mga insekto.

Ingay ng mga hayop sa malayo.

Huni ng isang malaki at naiibang ibong lumilipad, mula sa kanan ng entablado papuntang kaliwa at pabalik, habang unti-unting masisilayan ang liwanag. Ngunit malamlam pa rin ang liwanag dahil maraming malalaki at matatayog na puno sa paligid.

Palipat-lipat lamang ang malaking ibon sa kanan at kaliwa ng entablado. Minsan magtatagal ito sa gitna kung saan makikita ang isang napakalaking kawayan. Lilipad ang ibon paikot ng kawayan, tutukain ito nang tatlong beses at aalis sa gawing kanan ng entablado.

Sa loob ng kawayan makikita sina Malakas at Maganda, kapwa hubo’t hubad, magkaharap at magkalapat ang mga dibdib, si Malakas sa kanan at si Maganda sa kaliwa.

Aalis ang ibon. Didilim ang kapaligiran. May ilaw na nakatutok sa kawayan at nililiwanagan ang loob nito.

Dahan-dahang magigising sina Malakas at Maganda.

MALAKAS:

(Iinat at hihikab) Haaaaay! (Didilat nang bahagya kahit inaantok pa rin at mapapangiti kay Maganda na ngayon pa lamang umiinat). Magandang umaga sa iyo, Maganda.

MAGANDA:

(Didilat at mabibigla sa kanilang posisyon. Mapapapikit) Aaaaaayyyyy!

MALAKAS:

(Magugulat din sa sigaw) Aaaaaaaaaaa!

MAGANDA:

(Didilat at, pagkakita kay Malakas, mapapapikit uli at sisigaw nang mas malakas) Aaaaaaaaaaaaaaaayyyyy!

MALAKAS:

(Bahagyang lalakas din) Aaaaaaaaaaaaaaaa!

MAGANDA:

(Didilat uli. Pipikit at titili nang napakatinis) Aaaaaaaaaaaaaaaaaaaaa!!

MALAKAS:

(Bahagyang hihina) Aaaaaaaaaaa. Huwag kang sumigaw. Bakit, anong problema?

MAGANDA:

(Titigil. Ituturo ang dibdib ni Malakas) ‘Yan ang problema.

MALAKAS:

(Titingin kung saan nakaturo si Maganda at pagkatapos titingin kay Maganda) Ha?!

MAGANDA:

Iyan, o. (Ituturo dibdib ni Malakas gamit ang nguso) Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na huwag mong ididikit ang dibdib mo sa dibdib ko? Di ba? Aaaaaaaaaaa! (Pipiliting gumalaw at haharap sa manonood)

MALAKAS:

(Itataas ang mga bisig upang hindi madaplis ng kamay o braso niya si Maganda) Hindi ko sinasadya.

MAGANDA:

(Iiling at iirap)

MALAKAS:

Hindi ko namalayan na ganito na pala ang posisyon natin. Aba, noong matulog tayo, nakatalikod tayo sa isa’t isa.

MAGANDA:

(Patuloy pa rin sa pag-iling) Ah, hindi. Huwag ka nang magpaliwanag.

MALAKAS:

(Mag-iisip) Siguro dun sa paggalaw ng kawayan. Ang lakas ng hangin sa labas e. Para tayong dinuduyan (matatawa) kaya siguro pareho nating ‘di namalayan. Napasarap ang tulog natin (hahagikhik nang mahina)

MAGANDA:

Heh!!! Tumigil ka nga! Ang sabihin mo ginamit mo ang pagkakataon upang maidikit iyang malagkit mong dibdib sa akin. Eeeeeeeeee! Kadiiiiriiii!

MALAKAS:

Hindi.

MAGANDA:

Ah, tumigil ka!

MALAKAS:

Hindi totoo iyan.

MAGANDA:

Kunwari ka pa.

MALAKAS:

Hindi nga. Hindi ko ginawa iyan.

MAGANDA:

Sinungaling ka!

MALAKAS:

Bakit ba ayaw mong maniwala?

MAGANDA:

Kasi puro ka palusot.

MALAKAS:

Palusot?

MAGANDA:

Oo, palusot. Ganyang ganyan din ang idinahilan mo dati noong nagising ako at napansin ang kamay mo sa dibdib ko.

MALAKAS:

(Iisipin ni Malakas kung kalian nangyari iyon) Hmmm…

MAGANDA:

Ang sabi mo pa: “Malakas ang hangin, napayuko ako dito, nakabitiw ako, napakapit ako sa kabilang parte ng kawayan.” Sa tingin mo ba, pinaniwalaan ko iyon?

MALAKAS:

(Tatango nang nag-aalangan)

MAGANDA:

Mayroon bang parte ng kawayang ito na sinlambot ng dibdib ko?

MALAKAS :

(Tatahimik sandali) Hmmm…a…

MAGANDA:

Halatang nagpapalusot ka, e. Hindi ako tanga.

MALAKAS:

Oo na, inaamin ko na iyon.

MAGANDA:

Mabuti naman. Kaya’t huwag kang magrereklamo kung hindi kita pinaniniwalaan. Dahil sinungaling ka.

MALAKAS:

(Ilalagay ang hintuturo sa tainga niya, magmumukhang naiirita sa boses ni Maganda)

MAGANDA:

At saka naalala mo noong idinikit mo ang mukha mo sa dibdib ko?

MALAKAS:

Ha? (Matatawa at alalahanin ang pangyayaring iyon) Matagal na iyon, a.

MAGANDA:

Tatawa pa. Oo nga, matagal na.

MALAKAS:

Akala ko ba naayos na natin iyon?

MAGANDA:

Naayos na nga.

MALAKAS:

E, bakit mo pa inuungkat? Tapos na iyon.

MAGANDA:

Ginagawa ko lamang halimbawa para makumbinsi ka na ikaw ay saksakan ng sinungaling kung hindi mo alam.

MALAKAS:

Haaaaaay!!!

MAGANDA:

Naalala mo ba kung anong palusot ang ginamit mo noon? Ang sabi mo nanaginip ka na na ikaw ay isang ibong malaki tulad ng ibong naririnig natin sa labas. May malaking kawayan na kailangang tukain dahil may dalawang taong nasa loob na kailangang makalabas. At iyon! Nagising ako na ang mukha mo ay nasa dibdib ko na. Aba, kakaiba yata iyang kawayan sa panaginip mo. Sinlambot ng dibdib ko?

MALAKAS:

(Magkakamot ng ulo at iiling habang pinipigil ang tawa)

MAGANDA:

Kaya’t huwag ka nang magkaila. Hindi na uubra ang mga palusot mo. Hindi kapani-paniwala. Ikaw ang may kasalanan kaya magkadikit ang mga dibdib natin kanina.

MALAKAS:

Hoy, hindi. At saka, nakatalikod ka kagabi, ‘di ba? E, bakit pagkagising mo, nakaharap ka na sa akin? (Pagdidilatan si Maganda) O, ano?

MAGANDA:

At ano ang idinidilat-dilat mo? Ako pa ngayon ang may kasalanan?

MALAKAS:

(Magkikibit-balikat. Mang-iinis. Ikukunot ang noo, nakataas ang isang kilay at ngingiti)

MAGANDA:

(Ibubuka ang bibig at iirap) Ang dahilan kaya’t magkaharap na tayo ay dahil puwersahan mo akong inikot.

MALAKAS:

Kanina, ang sabi mo naging oportunista ako sa paggalaw ng kawayan. Ngayon naman, pinagbibintangan mo akong pinuwersa kita. Nawawalan ka ng kredibilidad. Ano ba talaga?

MAGANDA:

Pareho.

MALAKAS:

Ang tindi talaga ng utak mo. Kung anu-anong mga naiisip mong dahilan. Alam na alam mo naming hindi kita pinuwersa. Hindi ko ginawa iyon at hindi ko magagawa iyon. (Hihinto saglit at pagdidiinan) Hindi ko KAYANG gawin iyon.

MAGANDA:

(Tatawa na parang nang-iinis) ‘Eto na naman tayo. Magpapalusot na naman.

MALAKAS:

Totoo. Hindi ko kayang gawin iyon.

MAGANDA:

Hahaha. O, talaga?

MALAKAS:

Oo, hindi ko kayang gawin iyon.

MAGANDA:

At bakit hindi?

MALAKAS:

(Kapwa sila magtititigan na parang nang-iinis sa isa’t isa) Mabigat ka!!!

MAGANDA:

(Matitigilan) Ano kamo?

MALAKAS:

Mabigat ka. Ganoon lang kasimple. (Ngingiti nang patuya)

MAGANDA:

Hindi totoo iyan. (Titignan ang baywang at balakang. Mag-aalala. Magiging malumanay ang pagsasalita.) Hindi. (Hahawakan ang braso at mukha)

MALAKAS:

Anong hindi? Naalala mo noong gusto mong umakyat sa tuktok ng kawayan? Nagpatulong ka sa akin na itaas ka. Pumatong ka pa nga sa balikat ko. Halos mabali ang mga buto ko noon. Sa huli, hindi ka pa rin nakaangat ng kahit lampas sa isang dangkal.

MAGANDA:

Yabang! (Patuloy na hinawakan ang baywang, balakang, braso at mukha)

MALAKAS:

Oo, hindi ko lang sinabi noon at baka sumama ang loob mo. (Pagmamasdan si Maganda nang ilang sandali sa kanyang ginagawa) Ano bang ginagawa mo? Ang sabi ko, mabigat ka. Hindi mataba.

MAGANDA:

(Magmamaktol) Ganon na rin yun.

MALAKAS:

Hindi, ‘no. (Maaawa kay Maganda) O, huwag ka nang malungkot.

MAGANDA:

(Parang maiiyak)

MALAKAS:

Binibiro lang kita.

MAGANDA:

(Medyo maiiyak na)

MALAKAS:

Maganda, naman. Huwag kang umiyak.

MAGANDA:

(Hindi pa rin papansinin si Malakas)

MALAKAS:

Magsalita ka naman. Dadalawa na nga lang tayo dito sa masikip na kawayang ito, tapos magtatampo ka pa. E, di nawalan ako ng kausap.

MAGANDA:

Mas mabuti. Para mapanis iyang laway mo. At saka hindi ako iiyak, ‘no?

MALAKAS:

Sige na. ‘Eto naman. Hindi mabiro.

MAGANDA:

Hindi.

MALAKAS:

(Lalambingin) Patawad na, Maganda. Tignan mo, pumapangit ka tuloy.

MAGANDA:

Wala akong pakialam.

MALAKAS:

(Hahawakan at hahaplusin ang mga balikat at braso ni Maganda) Patawarin mo na ako. Sige na, Maganda.

MAGANDA:

Ano ba? Huwag mo nga akong hawakan. (Mag-iisip) Oo na. Sige na, sige na.

MALAKAS:

Salamat.

MAGANDA:

Salamat ka diyan. May kasalanan ka pa sa ‘kin, baka nakakalimutan mo.

MALAKAS:

Ano yon?

MAGANDA:

Ulyanin ka na talaga. Inikot mo ako nang puwersahan kagabi para magkadikit ang mga dibdib natin.

MALAKAS:

Naku naman. Di ba sinabi ko nang hindi ko ginawa yon? Maniwala ka naman. (Tatahimik nang ilang sandali. Mag-iisip) Pero sandali, may tanong lang ako. Kung inikot man kita – kunwari lang ha – hindi mo ba mararamdaman iyon?

MAGANDA:

(Kukunot ang noo. Magtataka) Hindi.

MALAKAS:

Hahahahaha!

MAGANDA:

O, bakit ka natawa?

MALAKAS:

(Ititikom ang bibig upang hindi lumabas ang tawa. Iiling.) Hindi, hindi, wala lang.

MAGANDA:

Ano iyon? Sabihin mo. Sige na.

MALAKAS:

Wala.

MAGANDA:

Sabihin mo na. Ano ba? Sisipain kita.

MALAKAS:

Kaya mo? Mahihirapan ka lang. Di ka masyadong makakagalaw rito.

MAGANDA:

Sabihin mo na kasi. Bubutasin ko ‘tong kinalalagyan natin.

MALAKAS:

Ops, iyan ang huwag na huwag mong gagawin. Magagalit sa iyo si Bathala. Ang sabi Niya, hintayin natin ang tamang oras ng pagbiyak ng kawayang ito.

MAGANDA:

Wala akong pakialam.

MALAKAS:

Susuwayin mo si Bathala?

MAGANDA:

(Manggagalaiti) Sasabihin mo o hindi? (Sisipa-sipain ang kawayan)

MALAKAS:

O, tama na. (Hahawakan ang hita ni Maganda) Sasabihin ko na.

MAGANDA:

(Tatabigin ang kamay ni Malakas) Kailangan bang hawakan ang hita ko?

MALAKAS:

Ang arte naman. Parang ganoon lang, e. (aaksiyon na parang hahawakan ang hita)

MAGANDA:

O, tama na muna iyan. Sige na. Sabihin mo na.

MALAKAS:

O, ‘eto. Makinig kang mabuti, ha? (Ngingiti nang bahagya. Titignan si Maganda) Kasi…sa totoo lang, hindi kita inikot gaya ng iniisip mo.

MAGANDA:

Sinunga…

MALAKAS:

Patapusin mo muna ako, pwede ba? (Titigil sandali) Pero kung inikot man kita, dapat naramdaman mo iyon. (Magkikibit-balikat)

MAGANDA:

Ano’ng ibig mong…

MALAKAS:

Ang punto ko, dahil hindi naman kita inikot, inikot mo ang sarili mo upang magkaharap tayo. Ibig sabihin, ikaw itong may gusto.

MAGANDA:

Hindi totoo…

MALAKAS:

Pasimple kang sumasabay sa pag-ugoy at pagduyan (aaksyon) ng kawayan. (Ngingiti)

MAGANDA:

(Manlilisik ang mga mata) Hindi…

MALAKAS:

At inikot mo ang sarili mo para maidikit ang dibdib mo sa katawan ko.

(Magtititigan ang dalawa nang ilang sandali)

MAGANDA:

Ang kapal ng mukha mo. (Tutuhurin ang pagitan ng dalawang singit ni Malakas. Mamimilipit sa sakit si Malakas) Palibhasa kasi iyon ang ginawa mo. Ikaw ang pasimpleng sumabay sa pagduyan ng kawayan. Ibinabaliktad mo ang kuwento. Diyan ka kasi magaling.

MALAKAS:

(Hirap magsalita) Hindi ko ginawa iyong ibinibintang mo. ARAAAAAAAAAAAAAAAAAYYYYY!

MAGANDA:

Buti nga.

MALAKAS:

ARAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAAY!!!!!

ARAAAAAAAAAAAAAAAAAAAY!!!!!

ARAAAAAAAAAAAAAAY!!!!!

MAGANDA:

(Mag-aalala ngunit hindi ipapahalata) Ayos ka lang?

MALAKAS:

Siyempre hindi!!! Araaaaaaaaaay! (Hihikbi. Maya-maya’y iiyak)

MAGANDA:

Hoy, huwag kang umiyak.

MALAKAS:

(Namimilipit pa rin sa sakit)

MAGANDA:

Lalaki ka. Malakas pa man din ang pangalan mo. Nakakahiya.

MALAKAS:

E, masakit e.

MAGANDA:

Hindi ko sinasadya.

MALAKAS:

(Hindi iimik)

MAGANDA:

Pasensya na.

MALAKAS:

(Hindi pa rin iimik)

MAGANDA:

Magsalita ka naman.

MALAKAS:

(Hindi pa rin magsasalita)

MAGANDA:

Patawarin mo na ako. (Papahirin ni Maganda ang luha ni Malakas gamit ang kanyang kamay) Masakit pa?

MALAKAS:

Di na gaano. (Pasimpleng ngingiti at ididiin ang mukha sa kamay ni Maganda)

MAGANDA:

Patawad.

MALAKAS:

(Ilang sandaling katahimikan) Ikaw kasi, e.

MAGANDA:

Anong ako?

MALAKAS:

E, ayaw mo kasing maniwala na wala akong kasalanan, na hindi kita inikot nang puwersahan. Hindi mo ba naisip na maaaring wala sa atin ang may kasalanan?

MAGANDA:

Pasensya na.

MALAKAS:

Ayusin natin ‘to, Maganda, nang hindi na lang tayo laging nagtatalo at nagsisigawan dahil lang nagdikit ang mga dibdib natin.

MAGANDA:

O, sige.

MALAKAS:

Pareho tayong nahimbing at nadala sa pagduyan ng kawayan. Wala sa ating dalawa ang dapat sisihin. Hindi ako at hindi ikaw. Pagkakataon. Pagkakataon.

MAGANDA:

(Mag-iisip) Tama. Hindi ikaw at hindi rin ako. At kung mayroon mang dapat sisihin, tayong dalawa rin iyon dahil tayong dalawa lamang ang nandito.

Ilang sandaling katahimikan

MALAKAS:

Kaya’t sana ‘wag mong ipagdidiinan na ako ang may kasalanan dahil hindi ko naman talaga ginawa at hindi ko iyon magagawa.

MAGANDA:

(Tatango)

MALAKAS:

Hindi dito sa loob ng kawayan.

MAGANDA:

(Didilat) E di, may balak ka nga talaga. (Sasampalin nang ilang beses)

MALAKAS:

Aray! (Sasanggain ang mga huling sampal) Siyempre naman. E, yun naman ang sabi ni Bathala sa atin, di ba? Naalala mo? “Magparami kayo,” sabi Niya. At kailangan nating sumunod.

MAGANDA:

A, ewan!

MALAKAS:

Saka, mag-isip ka nga…

MAGANDA:

Oo, nag-iisip ako.

MALAKAS:

Wala akong balak madagdagan tayo ng isa pa rito. Masikip na nga, dadagdagan pa ng isa. Buti kung isa lang ang maidagdag. E, pa’no kung dalawa? May karga akong maliit na Malakas at ikaw ay may kargang maliit na Maganda. At pa’no kung tatlo? Nakupo, di ko mawari, Bathalang mahabagin.

MAGANDA:

Ewan! Basta, ‘pag nakalabas na tayo rito, lalayo ako sa iyo. Huwag na huwag mo akong lalapitan. Maghiwalay na tayo. Doon ka dumiretso sa silangan at ako sa kanluran… (Tatama ang kamay niya sa kawayan) Araaaay!

MALAKAS:

O, ayan kasi.

MAGANDA:

…nang hindi magkrus ang landas natin. Kung bakit pa kasi nandito ako sa loob ng napakasikip na kawayan kasama mo.

MALAKAS:

Malamang may dahilan iyon.

MAGANDA:

Oo, nga. Para mainis mo ako lagi.

MALAKAS:

Maliban doon.

MAGANDA:

Ewan, magmamarunong ka na naman.

MALAKAS:

Hindi mo ba naisip na kaya magkasama tayo rito ay dahil ngayon pa lamang pinag-iisa na tayo ni Bathala? Hindi natin alam kung sa labas ng kawayang ito, may mga tulad natin. Itinadhana tayong dalawa. At siguro, kahit nakalabas na tayo rito, inaasahan pa rin ni Bathala na magkasama pa rin tayo.

MAGANDA:

Napakatalino mo naman. Sana naisip mo ring iumpog ang ulo mo sa kawayan hanggang sa mabasag ito.

MALAKAS:

Ang kawayan?

MAGANDA:

Ang ulo mo, bobo. Haay, naku. Basta, maghiwalay tayo pagkalabas natin dito sa kawayan.

MALAKAS:

O sige, nasa sa iyo na iyon. Basta sa ngayon, nandito pa tayo sa loob ng kawayan. Magkatabi tayo at magkadikit sa ayaw at sa gusto mo.

MAGANDA:

Huwag ka lang dumikit nang labis at baka iba ang dumikit sa mukha mo. (Itatapat ang kamao sa mukha ni Malakas)

May malakas na hangin na magpapayuko sa kawayan pakanan. Mapapadikit si Maganda sa dibdib ni Malakas.

MAGANDA:

Aaaaaay!

MALAKAS:

(Matatawa) Ano ang gagawin natin para masunod ang gusto mong hindi tayo magdikit nang ganito?

MAGANDA:

Maghintay ka lang at nag-iisip ako. Palibhasa, ako ang laging nag-iisip (Pipiliting lumayo sa dibdib ni Malakas)

Biglang payuyukuin ng malakas na hangin ang kawayan pakaliwa.

MALAKAS:

May naisip ka na?

MAGANDA:

Meron.

MALAKAS:

Ano?

Babalik sa tamang posisyon ang kawayan.

MAGANDA:

Aayusin natin ang posisyon upang masunod ang gusto ko.

MALAKAS:

Gusto mo? Baka natin.

MAGANDA:

O, sige…NATIN!

MALAKAS:

Ayan! Aba, may posisyon tayong gagawin? Mukhang masaya ito.

MAGANDA:

Tumahimik ka. Huwag kang magulo.

(Mag-iisip)

MALAKAS:

Ang tagal mo namang makaisip ng solusyon.

MAGANDA:

(Hindi papansinin ang sinabi ni Malakas)

MALAKAS:

(Sisipol. Kakatukin ang kawayan na may ritmo)

Tagal.

MAGANDA:

May naisip na ako, e. Pero alam kong hindi mo kayang gawin. Kaya nag-iisip ako ng iba.

MALAKAS:

Ano iyon? Kaya ko iyan. Sabihin mo.

MAGANDA:

Ah, talaga? O, sige. Dito ako sa ibaba. At ikaw, doon sa taas. Doon ka lang. Tutal lalaki ka naman at sabi mo malakas ka, kaya mong kumapit nang matagal, hindi ba? (Hihintaying umakyat si Malakas) O, akyat na.

MALAKAS:

Ayoko nga. Nababaliw ka na ba? Nakakangawit iyan.

MAGANDA:

Hindi pala kaya.

MALAKAS:

Kaya ko iyan pero ayoko. Gusto mo lang ako pahirapan.

MAGANDA:

Palusot. O, kaya nga ako nag-iisip ng iba, e. Kaya tumahimik ka na lang diyan.

MALAKAS:

O sige na.

MAGANDA:

(Mag-iisip) Alam ko na. Tumalikod ka. (Susunod si Malakas) Ganyan ang magiging posisyon mo.

MALAKAS:

Hmmm…a…

MAGANDA:

Bawal kang humarap. Ganyan lang posisyon mo.

MALAKAS:

Ano…na…

MAGANDA:

Kumapit ka riyan (ituturo ang isa sa mga bahagi ng loob ng kawayan na naghihiwalay sa mga kompartamento nito) para di ka mag-iba ng posisyon. Ayos ba?

MALAKAS: